Wednesday, 6 November 2013

Dutdutan Trece



Tuwing Setyembre ginaganap ang convention na ito at laging natataon sa kaarawan ni Bryan. Kaya naman batid ko na magiging parte na ng espesyal na araw niya taon-taon ang Dutdutan. Damuho! HEHEHE... Tulad nung nakaraang taon, sa ikalawang araw kami nagpunta.

Siyempre dahil kaarawan nga, hindi pwedeng walang kainan kaya naghapunan muna kami sa Tramway sa may Roxas Boulevard kasama si Sir Kenneth bago kami nagtungo sa World Trade Center kung saan ginaganap ang Dutdutan. At dahil alam naming gagabihin kami at gugutumin sa convention (walang masyadong nagtitinda ng pagkain sa loob at sobrang haba ng pila bago ka maka-order), lumamon kami ng wagas sa Tramway, HEHE! 


'Yan, busog na kami. Pwede na kaming makipagbakbakan! Hinatid kami ni Sir Kenneth sa World Trade Center. Tulad ng dati, pagkatagal-tagal na naman namin pumila bago nakapasok. Halos magdadalawang oras din kaming nakatayo sa labas. Nagkagulo pa nga dahil andaming singitan na nangyayari at hindi talaga maintindihan kung saan ang dulo ng pila. Sana naman sa susunod na taon eh pagtuunan ng pansin ng mga organizers yung sistema ng pilahan doon sa ticket booth at sa may entrance. Maglagay sana sila ng mas madaming bars para mas klaro yung pila. Buti na lang may mga performers at car exhibit dun sa labas kaya naaliw kami ng bahagya maski papaano.


(KALIWA) mga percussionists na inaaliw ang mga nasa pila; (GITNA) ang magulong pila sa labas;
(KANAN) naka-display na kotse sa tapat ng entrance


Pagkapasok na pagkapasok namin, una naming hinanap yung Tribal booth para makabili ng T-shirts pero tulad ng dati, naubusan na naman kami. >.< Dismayado din ako nang malamang walang libreng Tribal bandana ngayong taon. 
Sa pag-iikot namin, nagbabakasakali kaming makita sina Alvine (na kasama namin nung nakaraang taon) at mga ka-opisina namin ngunit kami ay nabigo. Pero nakita namin si Duncan (yung ex-vocalist ng South Border) kaso nahiya naman akong kuhaan ng litrato, HEHE! Nakakita din kami ng mga kakaibang accessories kaya napabili din kami ni Bryan ng mangilan-ngilan. 


Sa dami ng nalibot naming booths at nakita naming modelo, eto yung pinakanagustuhan kong design...


Nag-perform ang P.O.D. (Payable on Death) kaya todo head bang ang crowd habang todo naman sa pag giling ang mga babae sa hawla na halos kita na ang kaluluwa (oo! may mga babae na naman na naka-hawla!)   

P.O.D.
At bukod sa P.O.D., inaabangan din ng lahat ang FHM Bikini Open Contest. Grabe talaga yung mga bikining suot ng mga babae... sobrang liliit, at ninipis! Habang pinapanood sila, pakiramdam ko nagbabasa ako ng magasin ng FHM... mas maganda nga lang kasi gumagalaw yung mga modelo. Grabe ang hiyawan ng mga kalalakihan. Tila inaabangan ng lahat (pati ako) na magkamali ng galaw yung mga contestants para lumihis yung mga kasuotan nila at dumungaw ang mga dapat ay nakatago, HAHAHA! Ang mga batikang  DJs na sina Ramon Bautista, Sam YG, Tony Toni, at Slick Rick ang nag-host ng contest kaya naman mas naging kwela at berde, HEHE! At heto na ang mga  litrato ng mga contestants (oo, bahagya na namang tumubo ang aking bigote ng mga sandaling rumarampa na sila, HAHA!)...









Ilang sandali pa, nakaramdam ako ng uhaw at bigla akong nainggit sa mga umiinom ng beer. Ayaw ko ng Colt45. Alam ko namang yun lang ang tinitinda doon... kaya sige na lang! Isa't kalahati din ang nainom ko. Tamang inom lang. Di ako makadami dahil bukod sa hindi ko gusto ang lasa, hindi pa siya malamig. Naubusan na daw sila ng yelo. Lintek. Habang umiinom, naalala na naman ni Bryan ang pagka-dismaya niya sa pagkakaubos ng stock ng event t-shirt kaya nagpasya na lamang siya na magpa-piercing para may souvenir man lang daw siya ng Dutdutan ngayong taon. Gusto ko din sana pero nagdalawang-isip ako. Hinayaan kong siya na lamang muna at sa ibang pagkakataon na lang ako. Kaya ko ang tusuk-tusukin ng karayom ang balat ko. Sisiw saken yun. Pero ang butasan ang kahit anong parte ng katawan ko, parang di ko ata kakayanin! Kinunan ko ng litrato ang pagpapa-piercing niya...



Aray. Nung pinapanood ko kung paano gawin sa kanya, lalo akong nanindigan na ayaw ko magpa-piercing!  HEHE... Parang ang sakit-sakit. Sabi niya hindi naman daw. Ewan ko sa kanya! Basta ako... AYAW! >.< Maya-maya pa ay nakaramdam na din kami ng gutom. Nagbakasakali kaming may mabibili pang pagkain sa Kenny Rogers doon, pero panghimagas na lang ang meron sila. Pinagtiyagaan na namin ang chocolate mousse nila. Pumuwesto kami malapit sa booth doon ng Victoria Court upang kumain at napansin namin na inaabutan nila ng kung ano ang mga taong dumadaan. Eh na-curious tong si Bryan kaya lumapit din siya. Pag balik niya may dala-dala na siyang tatlong lifetime discount cards (isang pink, at dalawang itim) ng Victoria Court, HAHA!

Hindi namin namalayan na pasado alas-dose na pala. Nakaramdam ako ng pagka-inip. Gusto ko pa sanang panoodin ang bandang Kamikazee kaso parang antagal pa bago sila sumalang sa entablado. Tulad noong nakaraang taon, hindi ko na naman sila naantay mag-perform. Nagkayayaan na kaming umuwi ni Bryan. Pero siyempre hindi kami umuwi ng walang picture-picture, HEHEHE!


Kita-kita na lang uli sa susunod na Dutdutan!

Monday, 4 November 2013

Ang Pagbabalik Ni Maekang May Tuliling

Sa lahat ng mga nagtatanong (as if namang meron LOL)...

OO. Buhay pa po ako. :)

Tatlo lang kaming nasa opisina ngayon at masarap sanang maglaro ng HoN (Heroes of Newerth) dahil paniguradong hindi ako magla-lag pero dahil sa alam kong marami-rami na din akong utang sa blog na ito, sisimulan ko na ang magbayad. Teka, paano ko ba sisimulan? Sige, ganito na lang...

Setyembre ng nakaraang taon nung huli akong mag-post dito. Ang huling entry ko ay tungkol sa Dutdutan. (Ngayong taong ito ay muli kaming dumalo ni Bryan at susulat ako ng hiwalay na entry tungkol diyan sa ibang pagkakataon). Lumipas ang aking kaarawan (ni hindi ko na matandaan kung paano ako nagdiwang noon o kung nag-celebrate nga ba ako?), at lumipas din maging ang ika-pitong kaarawan ni Ashlee...

Isa itong costume party at si Ashlee ay si Princess Merida ng Disney's 'Brave'. Napili namin ang mabungang-kahoy na lugar na ito upang magmistulang enchanted forest ang venue. Bukod sa magarbong party (ang laki ng gastos ni Bryan HEHE), isang Android tablet and regalo namin sa aming munting prinsesa. Narito ang ilang kuha ng litrato sa kanyang party (salamat sa aming opisyal na tagalitrato na si John Paolo Medrano at sa maganda niyang kamera, HEHEHE).....






Bago pa man sumapit ang kaarawan ni Ashlee, iniuwi ko si Bryan sa probinsya kung saan ako'y lumaki... sa Pangasinan. Umuwi kasi ang kabarkada ko nung hayskul na si Tin galing sa UK kaya naman nagkaroon ng maliit na reunion ang barkada namin. Sinamantala na rin namin ang pagkakataong iyon upang makilala ng personal ang aming kaibigang si Karl (na noong una ay sa Facebook at RisingStars website lang namin nakakausap). Heto ang ilan sa mga larawan namin nung kami ay mananghalian sa Silverio's kasama siya...


 At narito naman ang ilan sa mga larawan namin nang magkita-kita na kaming magbabarkada...

Tanghalian sa Sison Residence
(KALIWA) ang pintuan ng inupahan naming kwarto sa Aleman's Resort; (GITNA) sa tapat ng kapitolyo ng Lingayen; (KANAN) sa Lingayen Beach
Unang gabi. Nakalimutan ko na yung pangalan ng bar na ito >.< Basta sa San Carlos City ito. Pumunta kami dito pagkatapos ng isang singing contest kung saan isa ako sa mga hurado. :)
Tulad ng mga reunion namin nung mga nakaraang taon, hindi pa rin kami kumpleto. Siyam kaming magbabakarda. Parang tuwing dalawang taon ay nagre-reunion kami. Sa pagkakataong iyan, apat ang wala. Pero espesyal pa rin iyang huling reunion namin dahil sa wakas ay nakilala na rin namin ng personal ang mga 'jowa' ng isa't-isa lalo na si Ian, ang British na asawa ni Tin na first time pumunta dito sa Pinas. Napakasaya ko din na nakapasyal si Bryan sa Dagupan City at San Carlos City nung unang araw, at sa Lingayen Beach kinabukasan. Dahil wala kaming matutuluyan nung unang gabi, nag check-in na lang kami sa Aleman's Resort na malapit kina Tin. Hindi ko pa kasi pwedeng iuwi si Bryan sa bahay namin. Strict kasi ang Papa ko, HEHE! At dahil minsan lang makauwi sa probinsya, hindi ko pinalagpas ang pagkakataong iyon na muling makakain ng Pigar-pigar (isang delicacy sa Dagupan na ang ibig sabihin sa aming lenguahe ay 'binali-baliktad').

Tabi-tabi ang mga kainan sa kalye ng Galvan sa Dagupan City na nagluluto ng Pigar-pigar.
Hay... miss ko na ang hayskul barkada ko... Jona (& Glenn), Elisha (& Ralph), Tere (hindi ko pa nakikilala ang 'jowa' niya), Tine (& Ian), Lovely, Jeamima, Mae, at Jacq (hindi ko pa din nakikilala ang 'jowa' niya)... Tara, reunion na uli?

Ilang araw makalipas naman ang ika-pitong kaarawan ni Ashlee, muli naming nakasama si Karl sa isang outing na kasama din ang iba pang miyembro ng RisingStars Philippines. Sa Villa Alfredo's Garden Resort sa San Fernando, Pampanga namin ipinagdiwang ang aming pagkakaibigan. Hindi malilimutan ang aming pagsasalu-salo mula sa pagbiyahe namin galing Maynila hanggang sa makarating sa resort hanggang sa muling pagbalik dito sa Maynila. Sa sasakyan pa lang papuntang probinsya ay nauupos na kami sa kakatawa dahil sa samut saring kwento ng isa't-isa. Pagdating doon, walang tigil na kainan, kantahan at sugalan naman ang nangyari, HEHE! Pagsapit ng dilim lahat naman ay nagsipaglangoy sa pool. At tuloy-tuloy pa din ang bonding hanggang kinabukasan. Kami ay nag-exchange gifts (Disyembre na kasi noon) at naglaro ang lahat ng 'spin-the-bottle' kung saan nakilala namin ng mas lubos ang isa't-isa. Gumala din kami sa buong resort pati sa kanilang mini zoo doon. Salamat na lamang sa maingat na pagmamaneho ni Vonn ng kanyang kotse, kami ay matiwasay sa aming paglalakbay papunta at pabalik. Heto ang ilan sa aming mga larawan...

(KALIWA) papunta pa lang sa resort, nananghalian kami sa Jollibee, Mabalacat; (KANAN) spin-the-bottle kinabukasan ng umaga
higanteng FAN SIGNS
langoy-langoy at gala-gala sa resort
Nami-miss ko na ang mga PANIKING ito...

Gae-gae, Morrison, Tine, Karl, Aizaleen, Ysa, Vonn





Kelan kaya uli kami magkikita-kita?

Kita niyo na kung gaano kadaming hindi malilimutang kaganapan ang nangyari sa pagtatapos ng nakaraang taon? Samantala... ang kasalakuyang taon ay muli na namang magtatapos, at napakarami ding pangyayari ang hindi ko pa naikukuwento sa inyo. Uunti-untiin kong isusulat ang lahat ng mga iyan sa mga susunod na linggo hanggang bago matapos ang taong ito. Hay... ang hirap magbayad ng utang, HEHE! >.< Eto ang napapala ng blogger na tamad!