Hehe. Hind ito klase ng longganisa. Libro ito ni Bob Ong... panglima niya. Sa wakas, pagkatapos ng isang taon, natapos ko na din itong basahin kagabi. Hehe, alam ko ang iniisip niyo: "Isang taon? Ang tagal naman ata non?"
Hindi sa bobo akong magbasa kaya kagabi ko lang ito natapos. Nung nahiram ko kasi yong libro kay Bryan nung isang taon at iilang pahina pa lang ang nababasa, bigla itong nawala sa bahay namin. Nahilo nako sa kakahanap hanggang sa sumuko nako. Napagisip-isip ko, lalabas din yun pag hindi ko na hinahanap tulad ng ibang gamit ko. Hindi niyo na maitatanong, burara kasi ako. At ganun na nga ang ginawa ko. Hindi ko na siya hinanap hanggang sa tuluyan ko na itong makalimutan.
Ngunit eto lang nakaraang buwan, isang umaga pag-uwi galing sa trabaho, ang librong matagal ng nakalimutan eh nakita ko na lang bigla sa kwarto na nakabuyangyang. Saan yun nanggaling, e halos binaliktad ko na yung bahay namin dati sa kakahanap pero di ko naman siya nakita? Ay, ewan. Hindi ko na lang din inalam. Basta, tuwang tuwa ako at sa wakas, meron akong bagong mapagkakaabalahan.
Pero inabot pa din ako ng halos isang buwan bago ito matapos basahin. Wala din kasi ako masyadong oras na mailalaan sa pagbabasa. Sa totoo lang, gustong-gusto ko talaga magbasa ng libro. Yun nga lang, simula ng ako ay magtrabaho, nawalan na talaga ako ng oras para sa paborito kong libangan. Nakakapagbasa lang ako pag-uwi ko sa bahay galing trabaho bago matulog. At dahil pagod na din, konting pahina na lamang ang aking nababasa kada araw. Kaya labis na lamang ang aking kasiyahan kagabi ng matapos ko na ang babasahin. Kasiyahang may halong lungkot. Ilang linggo ko din kasing kasa-kasama ang librong ito. Lasog-lasog na nga siya at humiwalay na ang book cover nito dahil nakakatulugan ko na ang pagbabasa kaya may mga pagkakataong nahihigaan ko siya hanggang sa naging ganun na ang itsura niya.
Sabi ko nga, pang-limang libro na ito ni Bob Ong. Pero ito ang unang libro niya na nabasa ko. Sa tingin ko sakto lang na una ko itong nabasa. Sa libro kasing ito parang na-summarize yung unang apat niyang libro. Kumbaga, naikuwento niya dito kung ano ang istorya sa likod ng bawat librong una na niyang naisulat. O di ba ang daya ko. Hindi ko pa nababasa yung mga nauna pero parang alam na alam ko na kung ano ang mga nakapaloob sa kanila. Pero hindi ibig sabihin nito ay hindi ko na babasahin ang mga iyon. Dito din nailathala niya kung paano siya napunta sa larangan ng pagsusulat. Na-inspire ako. Lalo kong gusto magbasa. Lalo kong gusto magsulat. Lalo kong gusto abutin ang aking mga pangarap. Sa pagbabasa ko nito, napapatawa ako ng malakas ng hindi ko namamalayan minsan. Ang kulet kasi ni Bob Ong magsulat. Habang binabasa ko yong libro, parang nakikinig lang ako sa isang kabarkadang makuwento. Simple lang kasi ang pagkakasulat at napaka-conversational ng dating. May mga bumabatikos ng kanyang mga libro. Sabi nila hindi daw siya marunong ng tamang Filipino grammar. E ano naman ngayon? Ang importante hindi hirap ang mga mambabasa sa pag-intindi ng mga kuwento niya. Hindi mahirap basahin. Pati ang mga hindi mahilig magbasa, tiyak ma-eengganyo din.
Matagal na ng mai-publish yung una niyang libro. Nasa hayskul pa ako nun. Pero nakilala ko lamang ang pangalang Bob Ong noong ako'y nagtatrabaho na mga tatlong taon na ang nakakaraan dahil patok na patok ang mga quotes niya sa Facebook. "Sino ba tong Bob Ong na 'to?", ang tanong namin ng mga katrabaho ko sa isa't-isa. Noong mga panahong iyon, wala akong ideya na may mga libro na pala siyang naisulat. At sa pagbabasa ko lang din ng Stainless Longganisa ko nalaman na nag-umpisa sa isang website ang lahat. Sayang lang at matagal ng nawala yon, hind ko na naabutan.
Ang Stainless Longganisa ay luma na din kung tutuusin. Taong 2005 pa ng mai-publish ito at nasundan na din ito ni Bob Ong ng ilan pang mga libro. At ngayong naging official fan na niya ako, susubukan kong kumpletuhin ang lahat ng mga libro niya. Mura lang daw ang mga ito. Kaya patok din sa mga estudyante dahil kayang kaya nilang bumili mula sa mga baon nila. Sana lang may mabilhan pa ako nung unang apat niyang libro. Matagal-tagal na kasi nung lumabas yung mga iyon baka mahirapan nakong makahanap. Pero dahil tinagurian din namang best-sellers ang mga ito, posible din namang hindi sila mawawala sa mga bookstore.
Sinubukan ko din alamin kung sino ba talaga si Bob Ong. Nabigo ako. Ayaw pala niya talagang magpakilala at tanging online interviews lamang ang pinauunlakan. Hindi siya nagbu-book signing. Maski ang programang Brigada ng GMA ay hindi rin nagtagumpay sa hangarin nilang TV interview sa kanya. Sumakit lang ang ulo ko kaka-halukay sa YouTube dahil sa pagbabakasakaling may video o litrato man lamang siya doon. Pero wala. Wala talaga. Siguro kailanman ay hindi ko malalaman kung ano talaga ang pangalan niya at kanyang itsura. Pero mahalaga pa ba iyon? Kelangan ba talagang may mukha ang inspirasyon? Napagtanto ko lang, pagkatapos ko mapagod at sumuko sa kakahanap sa internet kay Bob Ong, na hindi na din niya kelangan pa magpakita ng mukha. Para saken, parang hangin lang yan e na nagpapalipad ng saranggola di ba? :)
No comments:
Post a Comment