Monday, 27 August 2012

"Cards"

Eto ang pamagat ng episode ng Maalaala Mo Kaya noong nakaraang Sabado (ika-25 ng Agosto). Napanood niyo din ba ito? Matagal-tagal na din nung ako'y huling napaiyak ng isang programa sa telebisyon. Humanda kayo para sa isang mahabang blog entry!

Ang episode na ito ang salarin sa muli kong pag-iyak sa harap ng TV. Ang dami kong luha. Nakakainis. Basang basa ang suot kong damit kakapunas ng malagkit na likido sa aking mukha mula sa naghalu-halong pawis, luha at uhog (pasintabi lang po). Maski kinabukasan na, maga at mahapdi pa din ang aking mga mata. Isang masigabong palakpakan para sa mga nagsipag-ganap dahil sa epektibo nilang pag-arte. Yehey, napaiyak niyo ako mga walang-hiya kayo! LOL! At wag nating kalimutang bigyang papugay ang mga tao sa likod ng kamera na sina Akeem Jordan del Rosario (mananaliksik), Joan Habana (manunulat), at Dado Lumibao (direktor).
++++++++++++++++++++++++++++++++++++
Sa mga hindi nakapanood, ikukuwento ko na lang dito ang kabuuan ng istorya:

Isang ina ang sumulat sa MMK tungkol sa kanyang pamilya at ang bunso nilang si "Apple", ang bida sa kuwentong ito... isang batang ang tanging hangad lamang ay pagmamahal at atensyon ng kanyang pamilya. Mahirap lamang sila. Si Apple ay may apat na nakatatandang kapatid na pawang mga nasa hayskul at kolehiyo na lahat ay itinataguyod ng kanilang inang tindera at amang driver. Malaki ang kanilang pamilya kaya bawat sentimo na kinikita ng mag-asawa ay napakahalaga. Subsob sila madalas sa pagtratrabaho kaya pawang wala na silang oras na maitutuon sa kanilang mga anak, lalong lalo na kay Apple.

Sa pagsisimula ng istorya, si Apple (na ginanapan ni Brenna Garcia) ayon sa kaniyang inang si Jossie (na ginanapan ni Assunta de Rossi), ay isang makulit, palahingi ng pera, gastador at batang matigas ang ulo... mga karaniwang katangian ng mga batang nasa ganoong edad at hindi pa alam ang halaga ng pera.

Madalas maaga siyang bumabangon at taga-gising ng buo niyang pamilya na kina-iirita ng kanyang mga kapatid sabay hihingian ang kanyang ina ng piso bago ito mag-igib. Maya-maya pa'y nasa labas na ito upang bumati ng:

"Magandang umaga po" 

sa kanilang mga kapitbahay sabay tutulong sa kanilang mga gawain. Ang mga hindi kinakaligtaan ni Apple batiin ay dalawang napakasungit at napaka-pessimistic na matatandang kabitbahay: isang ale na laging bukambibig ay mamamatay na siya kinabukasan (marahil ay upang ipagtabuyan lamang ang makulit na bata)... at isang lalaking bulag na sinasagot ang bati ni Apple ng:

"Anong maganda sa umaga? E wala naman akong makita?"

na sasagutin naman ng bata ng:

"Maganda, maaraw. Medyo makulimlim pero hindi po uulan. O di ba, maganda?"

sabay iaabot ang piso (na hiningi nya sa kanyang ina) sa kamay ng mamang bulag mapangiti lamang ito.

Bago pumasok sa eskwela, uutang si Apple ng ilang tinapay at biskwit na paninda ng kanyang ina. Lingid sa kaalaman ni Jossie, ibinibigay ng anak sa mga kaklaseng walang baon ang mga ito. Pagkatapos ng klase, minsan sinasamahan niya ang kanyang ina sa palengke upang mamili ng mga paninda ngunit imbis na makatulong, mas mapapagastos pa ang ina dahil sa mga ipinabibili ni Apple na kung anu-ano tulad ng mga ipit sa buhok (na ang ilan ay ibinibigay nya sa kaklaseng walang kaibigan) o di kaya'y mga manyika (na agad ibinabalik ng ina sa tindahan dahil may kamahalan). Nakatutuwang isipin na ang batang ito na napakamapagbigay at maaalalahanin sa kapwa ay hindi man lamang maisip na bigyan ang sarili maski isang pirasong lapis.

Ang mga tanging kaligayahan lamang ni Apple ay makitang nakasindi ang Christmas lights sa kanilang tirahan na hindi niya madalas makita dahil sa pagtitipid ng pamilya sa kuryente tuwing sasapit ang Pasko; ang magsama-sama silang magsimba ng pamilya bago mag Noche Buena na hindi mapagbigyan ng kanyang ama (na ginanapan ni Dominic Ochoa) na pagod sa pagbibiyahe sa bisperas ng Pasko; ang makapanood ng gusto niyang programa sa telebisyon na hindi mapagbigyan ng kanyang kuya na iba ang gustong panoorin; ang intindihin at asikasuhin siya kahit paminsan-minsan lang ng kanyang mga nakatatandang kapatid (tulad na lang ng simpleng pag-abot sa kanya ng isang baso ng juice); ang mapansin at pahalagahan ng kanyang pamilya ang mga ginagawa niyang palamuti sa kanilang tirahan (gaya ng paso at bulaklak na gawa sa straw, plastic cups at popsicle sticks); ang pasayahin ang mga magulang, mga kapatid at mga kaibigan sa pamamagitan ng paggawa niya ng mga cards para sa kanila. Hindi naglaon, tulad ng kanyang kuyang sakristan, naging aktibo si Apple sa simbahan bilang isang miyembro ng choir na siya din mismo ang tumulong magsimula sa pamamagitan ng pangungumbinsi sa ilang mga kabataan. Nakakalungkot man isipin pero maski ang kanyang ina ay hindi man lang siya mapanood kumanta sa simbahan dahil sa sobrang abala nito sa pagtitinda.

Lumipas pa ang panahon, mas maraming dagok ang dinanas ng kanilang pamilya. Nadagdagan ang gastos dahil sa biglaang pag-aasawa ng panganay na anak (na ginanapan ni John Manalo)  na siya sanang inaasahan ng mga magulang na tutulong sa mga kapatid upang makapagtapos. Dahil sa kagipitan, dumating sa puntong napapadalas ang pag-ulam nila ng tuyo na hindi ikinatuwa ng kanyang mga kapatid, ngunit dahil sa may likas na positibong pananaw sa buhay, hindi dito apektado si Apple (ini-enjoy niya ang pag-ulam ng tuyo sa kaning sinabawan niya ng kape). Ikinagugulat pa nga minsan ng kanyang magulang at ibang kapatid dahil nagagawa pa niyang makapag-abot ng pera para maipambili ng pang-gatas ng anak ng kuya niya. Napaghinalaan tuloy siya ng kanyang ina na nagsusugal sa mura niyang edad kaya napagalitan siya nito. Hindi na kinaya ni Jossie ang hirap kaya nagpasya itong mawalay sa pamilya ng ilang buwan upang magtrabaho sa ibang lugar para matustusan ang gastusin ng mga anak at para makapag-ipon na din. Ang kawawang si Apple, kulang na nga sa atensyon mula sa pamilya, siya pang madalas mapagbuntunan ng galit ng kanyang inang pagod na pagod sa paghahanap-buhay. Hindi nila napapahalagahan ang mga mumunting paglalambing. Puro kakulitan lang niya ang napapansin nila.

At dito na bumagsak ang first batch ng aking mga luha (na nasundan pa ng napakarami), sa eksenang naglabas na ng sama ng loob si Apple sa kanyang ina kung saan sinabi nito ang mga katagang:  

"Ginagawa ko lahat para mapasaya kayo, mapangiti kayo pero lahat ng 'yon 'di niyo nakikita. Bakit po ba hindi niyo ako mahal, mama? Kahit minsan lang hindi niyo ako matanong kung kamusta ako."

Boom! Sumakit ang lalamunan ko, nahirapan akong lumunok. Sa pagpipigil kong umiyak, di ko napigilan ang pagsakit ng aking dibdib, panginginig ng aking mga labi at panlalaki ng mga butas ng aking ilong. Sa mismong puntong iyon ko lamang napansin na ang anak ko pala ay nakatitig na sa akin. Maluha-luha ang kanyang mga mata... mga matang tila nagsasabing,

"Ganyan din ang nararamdaman ko, Mom."
++++++++++++++++++++++++++++++++++++
Sa pagkakataong iyon ko lamang biglang naisip... ang anak kong si Ashlee ang "Apple" ng buhay ko. Mabuti sana kung siya ang apple of my eye. Dapat nga ganoon dahil nag-iisa lang naman siya. Mas dapat na napagtutuunan ko siya ng pansin. Pero gaya ni Jossie, abala ako sa pag-iisip kung saan kukunin ang perang pambabayad sa dami ng gastusin sa bahay, sa eskwela niya... dagdagan pa ng problemang dulot ng tunay niyang ama. Ilang oras ko lang siyang nakakapiling. Sa customer service department ng isang international software company ako nagtratrabaho kaya pang-gabi ako. Pagdating ko sa bahay ay magtatanghali na at siya naman ay papasok na sa eskwela. Kung hindi lamang ako pagod, nais ko sanang ako ang magpakain, magpaligo, maghanda ng kanyang baon at maghatid sa kanya sa eskwela. Ngunit papaano pa? Bagsak na ang aking katawan at hirap ng humiwalay sa kama. Umaasa lamang ako sa yaya. Ang oras ng kanyang pag-uwi mula sa eskwela ay sakop pa rin ng oras ng pagtulog ko. Gabi na ang gising ko at maghahanda na akong muli para sa pagpasok sa opisina. Wala na naman akong oras para sa kanya. Kawawa naman ang anak ko. Minsan may mga pagkakataong lalapit siya sa akin para magpatulong sa kanyang homework pero ako pa ang galit at mapagsasabihan ko pa siya ng:

"Bakit hindi mo 'yan naiintindihan? Hindi ka ba nakikinig sa titser mo? Ang mahal mahal ng tuition mo tapos hindi ka natututo? Pagod na pagod ako mag-work para may pambayad sa skul mo. 'Wag ka na kayang pumasok?"

Bago niyo ako husgahan na masama akong ina, ika-klaro ko lang na ang mga katagang yan ay  hindi ko naman madalas mabigkas sa kanya... sa mga pagkakataon lamang na masakit ang ulo ko sa pamomoroblema kung saan ako kukuha ng pangkumpleto sa tuition fee, ng pambili ng kapalit ng paubos na niyang vitamins, at pang-grocery ng mga baon niya dahil pumalya ang ama niya sa padala. Hindi ako defensive. Alam kong marami akong pagkukulang bilang isang ina.  Kawawa naman ang anak ko.
++++++++++++++++++++++++++++++++++
Balik tayo sa eksena sa MMK. Sa puntong iyon ko lang din napagtanto na hindi lang pala ako ang basang-basa ang mukha sa mga oras na iyon. Pati ang boypren kong si Bryan, na nakapuwesto sa likod namin ni Ashlee habang nanonood, ay sirang-sira ang pagkalalaki sa mga sandaling iyon. Hahaha! (Mahal ko, sorry, ibinuko kita dito hehehe!) 

Sa mga sumunod na eksena, natuklasan ni Jossie ang listahan ng mga utang ni Apple sa kanya sa isang kwaderno na sulat-kamay mismo ng kanyang anak. Biglang dumating si Apple at sa unang pagkakataon sa buong episode na ito, nakita ng mga manonood na nakinig si Jossie sa anak. Humingi ng tawad ang ina sa bunso niya dahil sa madalas na pagbubunton niya ng galit dito ng hindi naman sinasadya. Si Apple naman ay ipinahayag sa kanyang ina ang mga pangarap niya para sa kanilang pamilya... ang maging isang guro at maiahon sila sa kahirapan. Nagtapos ang eksenang iyon sa pagpapaalam ni Apple sa kanyang ina para pumunta sa simbahan dahil kakanta umano ang kanilang choir sa isang kasalan. Lubos ang galak ng bata nang mangako si Jossie na susunod siya sa simbahan para mapanood kumanta ang anak sa unang pagkakataon.

Hindi kami handa sa mga susunod na mga pangyayari...

Kasama ang ilang miyembro ng choir, si Apple ay nag-eensayo ng pag-awit ng Tanging Yaman, sa tabi ng lansangan. Maya-maya pa, isang aksidente ang nangyari... dahil sa pagsagip niya sa mga kaibigang choir members, siya ang nabundol ng isang rumaragasang traysikel. Badtrip. Isang traysikel lang ang kumitil sa buhay ng isang anghel. Hindi kami naiyak sa eksenang iyon. Nakakainis kasi. Pero ang sumunod na eksena ang halos pumatay samin ni Bryan... ang pag-iyak paghagulgol ni Jossie nang makita ang anak sa morgue. Durog ang puso namin. Natural na natural ang pag-iyak ni Assunta sa eksenang ito. Wagas! Nganga kami... nganga sa pag-iyak kasabay ni Jossie.

Ang sumunod na eksena ay ang pagbili ni Jossie at ng isa niyang anak na babae ng bistida na susuotin ni Apple sa loob ng kanyang kabaong. Napili ng kanyang anak na bilhin ang isang mas murang bistida pero hindi sumang-ayon ang ina at pinili ang isang mamahaling bistida para kay Apple. Paalis na sila ng palengke nang mapansin ang manyikang pinabibili ng bunso niya na hindi niya nabili noon dahil sa may kamahalan. Naiyak na lamang siya habang hawak-hawak ang laruan. Hindi pa din kami tumitigil sa pag-iyak.

Ang eksenang sumunod ay ang burol ng bata kung saan nakiramay ang mga kaibigan at kapitbahay kabilang na ang pari sa kanilang lugar at naibahagi niya na si Apple daw, bukod sa pagkanta sa choir, ay napakasipag tumulong sa simbahan. Dahil dito binibigyan nya diumano ang bata ng pera na iniipon naman nito. Doon naipaliwanag kung bakit paminsan-minsang may nai-aabot si Apple na pambili ng gatas ng kanyang pamangkin. Nandoon din ang matandang ale na iritang irita noon sa bata sa pagbati nito sa kanya tuwing umaga. Aniya, mali nga daw siya... buhay pa siya at naunahan pa ni Apple mamatay. Dumating din ang mga ka-eskwela ni Apple na binibigyan niya ng tinapay at biskwit na inutang niya sa kanyang ina, at ang ka-eskwelang walang kaibigan ngunit pinapasaya ni Apple sa pamamagitan ng pagbibigay niya ng mga ipit sa buhok na pinabibili niya sa kanyang ina sa tuwing sila ay magpupunta sa palengke. At ang pinaka-nagpasabog sa aming dibdib... ang pakikiramay ng mamang bulag na binibigyan ni Apple ng piso tuwing umaga. Lahat pala ng pisong iyon ay iniipon ng matanda upang balang araw ay ibalik sa bata bilang pasasalamat sa pagpapangiti nito sa kanya tuwing umaga. Bitbit niya ang lahat ng mga baryang iyon sa lamay ni Apple.

Huli na ang lahat para sa pamilya ni Jossie. Wala na ang kanilang bunso. At hindi man lamang nila napadama sa kanya kung gaano nila siya kamahal. Lahat sila ay may pagsisisi. Si Jossie nagsisisi na hindi man lang niya nakilala ng lubusan ang anak. Ang akala niya nung una na gastador ang anak ay mali pala. Marami pala itong naipon na pera para sa kanyang pamilya. Ang ama nanghihinayang sa mga panahong itinulog niya pag-uwi galing sa trabaho ay sana inilaan na lamang niya sa nangungulilang anak. Ang mga nakatatandang kapatid na sana ay nasamahan siya sa simbahan, napagsilbihan, hinayaang manood ng paborito niyang programa sa telebisyon... lahat iyon pinagsisisihan nila. Nasa huli talaga ang pagsisisi. Pero kahit na anong gawin nilang pagsisisi sa mga oras na iyon, hindi na nila maibabalik pa si Apple.

Hanggang sa puntod ni Apple, bumubuhos ang pakikiramay ng kanyang mga kaibigan at kaklase. Nakilala kasi siyang mahilig mamudmod ng mga cards para sa kanila upang sila ay sumaya. Hanggang ngayon ang puntod ni Apple ay laging puno ng cards, mga sulat, at drawings mula sa mga kaibigan na hindi nakakalimot sa kanyang kabutihan.

R.I.P. Sharmaine "Apple" Yamson.
 +++++++++++++++++++++++++++++++++
Kung si Apple ay mahilig gumawa ng cards para sa mga kaibigan at pamilya, si Ashlee naman ay mahilig kaming bigyan ng kanyang mga drawings. Tulad ni Jossie noon, napagsabihan ko ang aking anak na tigilan niya ang pag-aaksaya ng papel. Pero dahil sa istoryang ito, simula ngayon ay lagi kong pasasalamatan si Ashlee sa tuwing bibigyan niya ako ng pirasong papel na may drawing niya. Sa darating na Disyembre, magdiriwang ng ika-pitong kaarawan ang aking pinakamamahal na unica hija. Hangad kong makabawi sa kanya sa aking mga pagkukulang. Pinagpaplanuhan kong maigi ang kanyang party na dadaluhan ng lahat ng kanyang mga kaklase.  ^_^

No comments:

Post a Comment