Nabasa niyo na ba ang librong ito?
Pagkatapos kong mabasa ang Stainless Longganisa noong nakaraang buwan, nangako saken si Bryan na ibibili niya ako ng iba pang libro ni Bob Ong. Naisakatuparan ang pangakong iyon noong nakaraang Sabado. Tuwang tuwa ako at sobrang excited habang papasok kami ng National Bookstore (sa SM Southmall). Makaraan ang mga sampung minuto, nahilo na ako sa kakahanap kung saang shelf naka-display ang mga libro ni Bob Ong ngunit hindi namin makita. Naiinip na ako at malapit ng sumuko kaya nagtanong na si Bryan sa isang saleslady doon. Sabi niya sa amin, doon daw sa Customer Service nila kami pumunta at magtanong. Ang nasa isip ko nung mga oras na iyon:
Badtrip. Bakit ganon yung mga saleslady nila dito... shonga-shonga! Hindi alam kung saan nakalagay mga libro nila at kelangan pa itanong sa Customer Service. GRRR!!!
Yun pala naman, kaya doon kami pinapupunta e dahil andoon talaga ang mga libro ni Bob Ong at hindi naka-display sa mga shelf nila.
**************************************
Nakakapagtaka lang... bakit nakatago doon? Hmmm... Ganun din kaya sa lahat ng bookstore na nagtitinda ng Bob Ong books? Kung ganun din, malamang yun talaga gustong mangyari ni Bob Ong... na ang mga makakabili lamang ng kanyang mga libro ay yung mga talagang naghahanap lang ng mga ito... yung talagang may gusto lang. Pero parang hindi naman ganun dati. Naaalala ko noong kolehiyala pa ako, naka-display naman ang mga libro niya sa mga shelf ng mga National Bookstore. Sumagi din sa isip ko yung kuwento niya dun sa Stainless Longganisa na minsan nag-ikot siya sa isang tindahan ng mga libro upang magmasid kung may pumapansin sa mga libro niya. Meron naman daw, kaso binabasa na nila dun mismo at pagkatapos nilang matawa sa mga nakasulat doon, hindi naman sila bibili. Ganun tayo di ba? Hehehe. Kawawa naman ang mga writers. Kaya siguro ganun na ngayon. Hindi lang basta-basta nakatago sa Customer Service counter ang mga libro niya, may balot pang plastic bawat isa upang walang makasilip sa mga pahina. No choice ka talaga. PARA MALAMAN MO KUNG ANO ANG MGA NAKAPALOOB SA LIBRO, BILHIN MO!
***************************************
Okay, balik tayo sa Customer Service counter na iyon... Pagkabigkas na pagkabigkas namin ng pangalan ni Bob Ong, inilatag kaagad ng babae sa counter ang lahat ng libro niya na meron sila sa harapan namin. Dahil sa pagbisita ko noon sa official site ng mga libro ni Bob Ong, nalaman kong may apat na mga bagong libro na siyang naisulat pagkatapos ng Stainless Longganisa. Sa apat na librong iyon, naging pinaka-interesado ako sa Ang Mga Kaibigan ni Mama Susan sa dahilang horror ang tema nito (panoorin ang book trailer dito). Sabi ni Bryan, maaari daw kami bumili ng dalawa kaya namili pa ako ng isa pa bukod dun. Naisulat ko sa blog entry ko dati na ang panlimang libro ni Bob Ong (Stainless Longganisa) ang unang libro niya na nabasa ko. Gusto ko sanang mag-umpisa sa pinaka-una niyang libro... ang ABNKKBSNPLAko?! pero sa kasamaang palad, out of stock na daw ito. Kaya napagpasyahan naming dalawa ni Bryan na Ang Paboritong Libro Ni Hudas (pangatlong libro) na lamang ang bilhin dahil hindi pa din niya ito nababasa. Ang galing! Sa halagang 330 pesos lang, may dalawang libro na kami ni Bob Ong. (Pero nung na-check ko yung resibo pag-uwi namin, 130+ lang yung Ang Mga Kaibigan ni Mama Susan at 160+ lang yung Ang Paboritong Libro Ni Hudas. Ewan ko ba kung bakit bigla kaming nagka-discount, hehe!)
*****************************************
Kulay ube ang Ang Mga Kaibigan ni Mama Susan. Kasinlaki lamang ito ng isang maliit na kwaderno at hindi ito makapal. Sulat-kamay ang disenyo sa book cover. Hindi rin maliliit ang letra sa mga pahina kaya hindi sasaktan ng mata ang mambabasa. Sinimulan ko agad ang pagbabasa nito kinagabihan noon ding Sabado kung kelan namin ito nabili. Natapos ko itong basahin pasado alas-tres kaninang madaling araw. Bale inabot ako ng tatlong gabi. Ito ang unang Tagalog horror novel na nabasa ko at gandang-ganda ako. Astig ka talaga Bob Ong!
F.Y.I... yung takot factor ay hindi ko muna naramdaman sa unang 2/3 ng libro. Pero huwag kayong mandadaya. Hindi porket hindi pa nakakatakot ang mga parteng iyon ay ipagwawalang-bahala niyo na lamang ang mga detalye doon. Huwag kayong sisilip sa huling 1/3 ng libro hanggat hindi niyo naiintindihan ng lubos ang simula at kalagitnaan ng istorya dahil magiging walang kwenta ang lahat. Mawawalan ng saysay. (AHEM! May kilala kasi akong ganito e... tamad! Yung mga huling pahina lang binabasa masabi lang na alam niya yung ending HEHEHE!)
Ayokong maging spoiler. Pero nais ko talagang maraming makabasa nito. Gusto ko lang i-share... Hinding hindi ko makakalimutan ang huling gabi ng aking pagbabasa nito. Halos lahat ng nasa Customer Service Department ng aming kumpanya ay walang pasok dahil Labor Day sa Amerika. Si Bryan lang ang may pasok kaya naiwan akong mag-isa sa bahay kagabi pag-alis niya ng mga alas-siyete... at dun nag umpisa ang isa sa mga hindi ko malilimutang karanasan...
*****************************************
May mga taong nakakapagbasa maski maingay ang kapaligiran. Nakakapagbasa naman ako ng ganon pero mas gusto ko ang tahimik. Kaya nung mag-isa na lang ako kagabi, hininaan ko yung volume ng TV... at itinuloy ko na ang pagbabasa habang nakadapa sa kama. Nasa sulok ang kama namin kaya medyo may kadiliman sa parteng iyon. At dahil nandun nako sa huling 1/3 ng libro, grabe ang konsentrasyon ko. Sadya akong may mapaglarong imahinasyon, kaya mas nae-enjoy ko ang magbasa ng mga libro kesa nanonood ng mga pelikula. Ngunit nasobrahan yata ang imahinasyon at konsentrasyon ko kagabi dahil habang tumatakbo ang mga mata ko sa mga nakasulat na salita sa mga pahina ay nakikita ko sa sulok ng aking utak ang mga eksena... at talaga namang tinataasan ako ng balahibo sa buong katawan. Ang masama pa nito, ilang beses akong napapalingon sa mga gilid at likuran ko dahil feeling ko may iba na akong kasama. Parang biglang bumaba yung temperatura sa kinaroroonan ko e hindi ko naman binago yung settings ng air cooler. Ang hindi ko lang maintindihan, maski may kakaiba na akong nararamdaman, e hindi ko mabitiw-bitiwan ang libro. Parang may nag-uudyok sakin na ituloy-tuloy ko lang ang pagbabasa maski ihing-ihi nako sa takot nung mga oras na iyon. Hindi ko matandaan kung papaano ko nahila ang kumot na naipambalot sa aking katawan. Tuloy-tuloy pa rin ako sa pagbabasa habang nagdadasal na sana may dumating akong makakasama. Ngunit walang dumadating. Wala. Punung-puno na ng maliliit na bukol ang balat ko sa buong katawan dahil sa kilabot na aking nararamdaman. Naririnig ko na din ang mabilis na pagtibok ng puso ko. Malakas... nakakabingi... at medyo nahirapan nako sa aking paghinga. Mula sa pagkakadapa, ako ay humiga para mas makahinga ng mabuti. Maski giniginaw ako, nanunuyo naman ang loob ng aking bibig at lalamunan. Hawak ko pa din ang libro at tuloy-tuloy sa pagbabasa... hindi pa rin ako tumitigil sa paglipat ng mga pahina... at sa bawat paglipat ko ng pahina, feeling ko dumadami ang aking mga kasama na hindi ko naman nakikita... At sa mga oras na iyon hindi ko na kinaya. Nakahinga ako ng maluwag ng mabitawan ko ang libro at maipikit ko ang mga mata. Ilang saglit pa, napatayo nako sa kama at natataranta kong nilakasan ang volume ng TV (TV Patrol yung palabas). Sa mga sandaling 'yon, naramdaman ko na ang pananakit ng aking pantog dahil sa pagpipigil ko ng pag-ihi. Ayoko ng pigilan, baka lumala pa ang sakit ko sa bato... sisermunan na naman ako ni Bryan... kaya ayun, kumaripas na ako ng takbo sa CR para umihi at nagmamadali din ako agad bumalik sa pagkakahiga sa kama. Pinalibutan ko ang sarili ng mga unan sabay talukbong ng kumot. Tuwing ipinipikit ko ang aking mga mata, paulit ulit kong nakikita ang mga nakakatakot na eksena mula sa librong aking binabasa. Ilang minuto pa ang lumipas at naramdaman kong bumalik na sa normal ang tibok ng aking puso. Mas nakakahinga na din ako ng maluwag maski nakatalukbong ako ng kumot. Nawala na din ang goosebumps ko sa buong katawan. At nakatulog na lang ako ng ganon. Hindi na ako nakapaghapunan. Nang ako ay magising, akala ko umaga na. Laking gulat ko dahil madilim pa din pagsilip ko ng bintana. Patay na ang TV. Tinignan ko ang oras sa cellphone ko... POTEK! Pasado ala-una pa lang pala ng madaling araw. Hindi ko na namalayan ang pagdating ng mga magulang ni Bryan. Kumakalam na ang sikmura ko. May mga texts messages ako galing sa Mama ni Bryan. Dinalhan daw nila ako ng dinuguan, hapunan ko daw. Madali ko namang nakita yung ulam at nilantakan ko na agad. Mabigat pa din ang mga mata ko habang kumakain pero nawala bigla ang antok ko nang mapansin ang kulay ubeng libro sa tabi ko. Bigla kong naisip, hindi ko pa pala siya natapos basahin. Hindi pwedeng hindi ko malaman ang kahihinatnan ng mga bida sa istorya. Naisip ko,
Ilang pahina na lang naman matatapos ko na siyang basahin... at nawala na rin naman yung kakaibang pakiramdam na naranasan ko kanina... kaya ko na siyang tapusin. Hindi nako natatakot.
Binilisan ko ang kain. Ilang minuto akong nag-ipon ng lakas ng loob at muli kong binuksan ang libro. Sa dalawang oras kong pagbabasa, ilang mga kahindik-hindik pang pangyayari ang naganap sa istorya... hanggang sa tuluyan ko na ngang matapos ang libro. WHAT AN ENDING! Hindi ko inaasahan. Ang ganda... ang galing! Iba ka talaga Bob Ong! Hindi ako agad nakatulog. Maliwanag na ata nung dalawin ako ng antok. Hanggang ngayon may hangover pa din ako... maski natapos ko na siyang basahin hindi mawala sa isipan ko yung kwento. At etong nakakatawa... siguro mapapansin niyo ito agad pagkabiling-pagkabili niyo nung libro, pero ako hindi sa kasamaang-palad... napansin ko lang pagkatapos na pagkatapos kong basahin yung huling pahina... e di siyempre fresh pa yung takot di ba? PEKSMAN, naihi ako sa panty ko pagkakita ko sa book cover sa likod... may ano... may nakasilip! HAHAHA!
************************************************
Sa totoo lang, sana maisapelikula ito. Mala-indie film. Tulad nung libro ni Eros S. Atalia na Ligo Na U, Lapit Na Me. Sana may mga tao ding maglakas-loob na dalhin ito sa pinilakang tabing. At ang gaganap na bida... si DANIEL PADILLA!!!
Ako: Wala lang. Gusto ko lang. Ang cute cute kasi niya eeeeeeehhhhhh.....
O, baka naman ayaw niyo na basahin yung libro dahil sa kakaibang karanasan ko kagabi... Hindi naman siguro dahil sa libro yun. Baka talaga lang may nagparamdam sakin sa mga oras na 'yon at nagkataon lang na binabasa ko yung libro nung nangyari 'yon. At pwede nga ring baka nasobrahan lang yung imahinasyon ko tulad ng nabanggit ko kanina kaya may naramdaman akong ganun. Maaaring sobra lang akong nadala sa istorya at feeling ko ako yung bida. HEHEHE...
Kaya huwag kayong matakot bumili at basahin yung libro. Malay niyo, yung nabanggit kong mga kasama ko kagabi pero hindi ko naman nakikita e mga kaibigan lang pala ni Mama Susan... dinadalaw ako... malay niyo... napili nila ako... at malay niyo... mapili din nila kayo...
No comments:
Post a Comment