Monday, 1 October 2012

Dutdutan 2012

Dutdutan. Hmmm. Sa totoo lang, bastos ang dating ng salitang ito sa akin. Yung tipo ng mga salitang 'dyug-dyugan', 'tuhugan' o 'hindutan' >.< Ewan ko ba. O baka naman talagang green-minded lang ako HAHAHA! At dahil sa madalas akong napapaligiran ngayon ng mga taong de-tattoo (mali, wala ako sa bilibid ha) ay madalas kong naririnig ang salitang ito. Na-curious tuloy ako. Hanggang sa nalaman ko sa pamamagitan ng pananaliksik na isa pala itong convention na malupet! 

Ang Dutdutan ay ang pinakamalaking tattoo exposition na ginaganap taon-taon. Pero hindi porket wala kang tattoo ay hindi ka na bagay sa event na iyon. Marami din nagpupunta doon na mga curious lang sa umpisa pero umuuwing may bahid na ng tinta. Swak ang lugar na ito para sa mga first time na magpapa-tattoo dahil sobrang daming local at international tattoo artists na pagpipilian. Isang libong piso ang bayad sa tattoo na 2x2 ang laki. 


Ngayong taon na ito, 350 ang bayad sa 1-day pass. 600 naman pag 2-day pass ang bibilhin. Ginanap ito nung Biyernes (Setyembre 28) at Sabado (Setyembre 29). Alas-dose ng tanghali hanggang alas-dos ng madaling araw. May libreng bandana mula sa Tribal at meron kang discount na 50 pesos pag bumili ka ng t-shirt nila. Malabo kaming makapunta noong Biyernes dahil may pasok sa trabaho. Nagpasya kaming pumunta dahil tiyempo ito sa kaarawan ng mahal ko. Cool kung doon kami magse-celebrate. ^_^
TAAS: Mga tiket namin
BABA: Yung ikinabit na wristbands samen pagkabili ng tiket
Nagulantang kami pagdating namin sa venue. Ang pila abot sa Roxas Boulevard. Pila pa lang yun sa ticket booth ha, iba pa yung pila dun sa entrance mismo... so dalawang beses ka pipila. Yung mga guwardiya kinumpiska yung lighter ni Bryan at yung mineral water ko na hindi ko pa nabubuksan. Bawal magyosi at bawal magpasok ng pagkain at inumin. Sa loob ka lang bibili sa mga sponsors nila.

Okay. So nasa loob na kami. Hindi ko malaman kung saan ako unang pupunta. Excited ako. Sobra. Kinuha muna namin ang libreng bandana namin. Pila na naman. Haaay. Pagkatapos nun ay sinimulan na naming ikutin ang mga booths ng mga tattoo artists na dumalo doon. Sa oras na yon, kasalukuyang pumaparada sa entablado ang mga kalahok sa isang tattoo contest. At isa si Vandolph sa mga kasali doon. Sayang hindi namin siya nakunan ng litrato. Malayo kasi kami sa entablado dahil nakikipagsiksikan kami para makasilip sa mga booths doon.

Ang mga Tattoo Artists
Ito ay ilan sa mga tattoo models na nandoon:


Kung iniisip niyong puro tatuan lang ang makikita sa Dutdutan ay nagkakamali kayo. Para sa mga kalalakihan, tiyak kong mag-eenjoy kayo sa dami ng chicks na nagkalat sa World Trade Center. Ako nga na hindi lalake eh lumuwa ang mga mata eh. Lalo na sa bikini contest at sa mga pole dancers... SOLB TALAGA! Tinubuan na naman ako ng bigote. Hehehe. Pati si Bryan muntik na matanggalan ng ulo dahil sa kapipihit ng leeg sa dami ng nililingon. LOL! Pero hindi din naman lugi ang mga kababaihan sa pagpunta dito. Marami din namang macho papa. 

At para naman sa musikerang tulad ko, habol ko talaga doon ang mga live band performances at drum duel. Medyo nahilo nga lang ako sa pakikinig dahil wala pang tulog. Parang sumasabog yung ulo ko sa bawat hampas nila ng drums HAHA! Pero ayus pa din, parang high lang ang pakiramdam. Pagdating sa mga banda, pinaka-gusto ko talaga yung performance ng Cypress Hill dahil sa may mga babaeng naka-bikini lamang na nagsasayaw sa mga hawla. Hindi namin maintindihan kung sino ang panonoodin sa kanila. Na-stress pako sa pakikipagsiksikan sa grupo ng mga kalalakihan para lang makita ng malapitan ang isa sa mga babae. Natatawa na lang ako nang matauhan na nakikipag-unahan na pala ako sa mga lalaki doon. Teka, bakit nga ba ako nagsusumiksik doon? Haha! At dahil alas-siyete ng gabi na kami nakarating sa venue nung pangalawang araw, hindi ko naabutan ang URCC na ginanap ata ng mas maaga o nung unang araw pa. Sayang. Trip ko pa naman ang mixed martial arts.

Anyway, sa event na ito lang ako muling nalasing pagkatapos ng mahaba-habang panahon (di ko na matandaan kung kelan yung huli). Hindi naman talaga ako manginginum pero dati ay tumatagal naman ako sa inuman. Dala na din siguro ng pagod at puyat kaya natamaan ako ng mabilis. O baka sadyang di ko lang talaga kinaya ang Colt45. Pero wala na kasing ibang mapagpipilian kaya inabot ng halos isang oras sa pagbili ang kaibigan naming si Alvine dahil ang haba ng pila ay abot sa bundok ng tralala. Yun lang ang meron dun dahil sponsor ito. Pinagtiyagaan ko na lang maski hindi ko gusto ang lasa. Mapait. Masyadong matapang. The Strong Beer for Real Men talaga! Problema nga lang, I'm not a man. LOL. Isa pa palang problema ko nung gabing yon ay ang pag-CR. Di ba pag umiinom ka ng beer parang laging puno yung pantog mo? Anak ng tokwa. Anlayo pa naman nung CR mula doon sa pinuwestuhan namin. Tapos ang haba pa lagi ng pila. Jusko. Wala nakong naintindihan sa ibang mga nagperform dahil mas madaming oras akong nasa CR.

ETO KAMI:


Hindi na din namin natapos ni Bryan ang event (pero nagpaiwan pa si Alvine). Umuwi na kami mga lagpas ala-una ng madaling araw pa lamang. Lowbat na kasi ako. Sayang, hindi na tuloy namin napanood magperform ang Wolfgang at Kamikazee. Umuwi din akong walang tattoo.

Sa buwan na ito (bago sumapit ang aking kaarawan), balak namin ni Bryan magpa-tattoo. First time ko. Ano kaya ang pakiramdam? Sana masakit na masarap. Parang ano... Hehehe.

Tuesday, 4 September 2012

Ang Mga Kaibigan Ni Mama Susan

Nabasa niyo na ba ang librong ito?

Pagkatapos kong mabasa ang Stainless Longganisa noong nakaraang buwan, nangako saken si Bryan na ibibili niya ako ng iba pang libro ni Bob Ong. Naisakatuparan ang pangakong iyon noong nakaraang Sabado. Tuwang tuwa ako at sobrang excited habang papasok kami ng National Bookstore (sa SM Southmall). Makaraan ang mga sampung minuto, nahilo na ako sa kakahanap kung saang shelf naka-display ang mga libro ni Bob Ong ngunit hindi namin makita. Naiinip na ako at malapit ng sumuko kaya nagtanong na si Bryan sa isang saleslady doon. Sabi niya sa amin, doon daw sa Customer Service nila kami pumunta at magtanong. Ang nasa isip ko nung mga oras na iyon:

Badtrip. Bakit ganon yung mga saleslady nila dito... shonga-shonga! Hindi alam kung saan nakalagay mga libro nila at kelangan pa itanong sa Customer Service. GRRR!!!

Yun pala naman, kaya doon kami pinapupunta e dahil andoon talaga ang mga libro ni Bob Ong at hindi naka-display sa mga shelf nila.
**************************************
Nakakapagtaka lang... bakit nakatago doon? Hmmm... Ganun din kaya sa lahat ng bookstore na nagtitinda ng Bob Ong books? Kung ganun din, malamang yun talaga gustong mangyari ni Bob Ong... na ang mga makakabili lamang ng kanyang mga libro ay yung mga talagang naghahanap lang ng mga ito... yung talagang may gusto lang. Pero parang hindi naman ganun dati. Naaalala ko noong kolehiyala pa ako, naka-display naman ang mga libro niya sa mga shelf ng mga National Bookstore. Sumagi din sa isip ko yung kuwento niya dun sa Stainless Longganisa na minsan nag-ikot siya sa isang tindahan ng mga libro upang magmasid kung may pumapansin sa mga libro niya. Meron naman daw, kaso binabasa na nila dun mismo at pagkatapos nilang matawa sa mga nakasulat doon, hindi naman sila bibili. Ganun tayo di ba? Hehehe. Kawawa naman ang mga writers. Kaya siguro ganun na ngayon. Hindi lang basta-basta nakatago sa Customer Service counter ang mga libro niya, may balot pang plastic bawat isa upang walang makasilip sa mga pahina. No choice ka talaga. PARA MALAMAN MO KUNG ANO ANG MGA NAKAPALOOB SA LIBRO, BILHIN MO!
***************************************
Okay, balik tayo sa Customer Service counter na iyon... Pagkabigkas na pagkabigkas namin ng pangalan ni Bob Ong, inilatag kaagad ng babae sa counter ang lahat ng libro niya na meron sila sa harapan namin. Dahil sa pagbisita ko noon sa official site ng mga libro ni Bob Ong, nalaman kong may apat na mga bagong libro na siyang naisulat pagkatapos ng Stainless Longganisa. Sa apat na librong iyon, naging pinaka-interesado ako sa Ang Mga Kaibigan ni Mama Susan sa dahilang horror ang tema nito (panoorin ang book trailer dito). Sabi ni Bryan, maaari daw kami bumili ng dalawa kaya namili pa ako ng isa pa bukod dun. Naisulat ko sa blog entry ko dati na ang panlimang libro ni Bob Ong (Stainless Longganisa) ang unang libro niya na nabasa ko. Gusto ko sanang mag-umpisa sa pinaka-una niyang libro... ang ABNKKBSNPLAko?! pero sa kasamaang palad, out of stock na daw ito. Kaya napagpasyahan naming dalawa ni Bryan na Ang Paboritong Libro Ni Hudas (pangatlong libro) na lamang ang bilhin dahil hindi pa din niya ito nababasa. Ang galing! Sa halagang 330 pesos lang, may dalawang libro na kami ni Bob Ong. (Pero nung na-check ko yung resibo pag-uwi namin, 130+ lang yung Ang Mga Kaibigan ni Mama Susan at 160+ lang yung Ang Paboritong Libro Ni Hudas. Ewan ko ba kung bakit bigla kaming nagka-discount, hehe!)
*****************************************
Kulay ube ang Ang Mga Kaibigan ni Mama Susan. Kasinlaki lamang ito ng isang maliit na kwaderno at hindi ito makapal. Sulat-kamay ang disenyo sa book cover. Hindi rin maliliit ang letra sa mga pahina kaya hindi sasaktan ng mata ang mambabasa. Sinimulan ko agad ang pagbabasa nito kinagabihan noon ding Sabado kung kelan namin ito nabili. Natapos ko itong basahin pasado alas-tres kaninang madaling araw. Bale inabot ako ng tatlong gabi. Ito ang unang Tagalog horror novel na nabasa ko at gandang-ganda ako. Astig ka talaga Bob Ong!

F.Y.I... yung takot factor ay hindi ko muna naramdaman sa unang 2/3 ng libro. Pero huwag kayong mandadaya. Hindi porket hindi pa nakakatakot ang mga parteng iyon ay ipagwawalang-bahala niyo na lamang ang mga detalye doon. Huwag kayong sisilip sa huling 1/3 ng libro hanggat hindi niyo naiintindihan ng lubos ang simula at kalagitnaan ng istorya dahil magiging walang kwenta ang lahat. Mawawalan ng saysay. (AHEM! May kilala kasi akong ganito e... tamad! Yung mga huling pahina lang binabasa masabi lang na alam niya yung ending HEHEHE!)

Ayokong maging spoiler. Pero nais ko talagang maraming makabasa nito. Gusto ko lang i-share... Hinding hindi ko makakalimutan ang huling gabi ng aking pagbabasa nito. Halos lahat ng nasa Customer Service Department ng aming kumpanya ay walang pasok dahil Labor Day sa Amerika. Si Bryan lang ang may pasok kaya naiwan akong mag-isa sa bahay kagabi pag-alis niya ng mga alas-siyete... at dun nag umpisa ang isa sa mga hindi ko malilimutang karanasan...
*****************************************
May mga taong nakakapagbasa maski maingay ang kapaligiran. Nakakapagbasa naman ako ng ganon pero mas gusto ko ang tahimik. Kaya nung mag-isa na lang ako kagabi, hininaan ko yung volume ng TV... at itinuloy ko na ang pagbabasa habang nakadapa sa kama. Nasa sulok ang kama namin kaya medyo may kadiliman sa parteng iyon. At dahil nandun nako sa huling 1/3 ng libro, grabe ang konsentrasyon ko. Sadya akong may mapaglarong imahinasyon, kaya mas nae-enjoy ko ang magbasa ng mga libro kesa nanonood ng mga pelikula. Ngunit nasobrahan yata ang imahinasyon at konsentrasyon ko kagabi dahil habang tumatakbo ang mga mata ko sa mga nakasulat na salita sa mga pahina ay nakikita ko sa sulok ng aking utak ang mga eksena... at talaga namang tinataasan ako ng balahibo sa buong katawan. Ang masama pa nito, ilang beses akong napapalingon sa mga gilid at likuran ko dahil feeling ko may iba na akong kasama. Parang biglang bumaba yung temperatura sa kinaroroonan ko e hindi ko naman binago yung settings ng air cooler. Ang hindi ko lang maintindihan, maski may kakaiba na akong nararamdaman, e hindi ko mabitiw-bitiwan ang libro. Parang may nag-uudyok sakin na ituloy-tuloy ko lang ang pagbabasa maski ihing-ihi nako sa takot nung mga oras na iyon. Hindi ko matandaan kung papaano ko nahila ang kumot na naipambalot sa aking katawan. Tuloy-tuloy pa rin ako sa pagbabasa habang nagdadasal na sana may dumating akong makakasama. Ngunit walang dumadating. Wala. Punung-puno na ng maliliit na bukol ang balat ko sa buong katawan dahil sa kilabot na aking nararamdaman. Naririnig ko na din ang mabilis na pagtibok ng puso ko. Malakas... nakakabingi... at medyo nahirapan nako sa aking paghinga. Mula sa pagkakadapa, ako ay humiga para mas makahinga ng mabuti. Maski giniginaw ako, nanunuyo naman ang loob ng aking bibig at lalamunan. Hawak ko pa din ang libro at tuloy-tuloy sa pagbabasa... hindi pa rin ako tumitigil sa paglipat ng mga pahina... at sa bawat paglipat ko ng pahina, feeling ko dumadami ang aking mga kasama na hindi ko naman nakikita... At sa mga oras na iyon hindi ko na kinaya. Nakahinga ako ng maluwag ng mabitawan ko ang libro at maipikit ko ang mga mata. Ilang saglit pa, napatayo nako sa kama at natataranta kong nilakasan ang volume ng TV (TV Patrol yung palabas). Sa mga sandaling 'yon, naramdaman ko na ang pananakit ng aking pantog dahil sa pagpipigil ko ng pag-ihi. Ayoko ng pigilan, baka lumala pa ang sakit ko sa bato... sisermunan na naman ako ni Bryan... kaya ayun, kumaripas na ako ng takbo sa CR para umihi at nagmamadali din ako agad bumalik sa pagkakahiga sa kama. Pinalibutan ko ang sarili ng mga unan sabay talukbong ng kumot. Tuwing ipinipikit ko ang aking mga mata, paulit ulit kong nakikita ang mga nakakatakot na eksena mula sa librong aking binabasa. Ilang minuto pa ang lumipas at naramdaman kong bumalik na sa normal ang tibok ng aking puso. Mas nakakahinga na din ako ng maluwag maski nakatalukbong ako ng kumot. Nawala na din ang goosebumps ko sa buong katawan. At nakatulog na lang ako ng ganon. Hindi na ako nakapaghapunan. Nang ako ay magising, akala ko umaga na. Laking gulat ko dahil madilim pa din pagsilip ko ng bintana. Patay na ang TV. Tinignan ko ang oras sa cellphone ko... POTEK! Pasado ala-una pa lang pala ng madaling araw. Hindi ko na namalayan ang pagdating ng mga magulang ni Bryan. Kumakalam na ang sikmura ko. May mga texts messages ako galing sa Mama ni Bryan. Dinalhan daw nila ako ng dinuguan, hapunan ko daw. Madali ko namang nakita yung ulam at nilantakan ko na agad. Mabigat pa din ang mga mata ko habang kumakain pero nawala bigla ang antok ko nang mapansin ang kulay ubeng libro sa tabi ko. Bigla kong naisip, hindi ko pa pala siya natapos basahin. Hindi pwedeng hindi ko malaman ang kahihinatnan ng mga bida sa istorya. Naisip ko,

Ilang pahina na lang naman matatapos ko na siyang basahin... at nawala na rin naman yung kakaibang pakiramdam na naranasan ko kanina... kaya ko na siyang tapusin. Hindi nako natatakot.

Binilisan ko ang kain. Ilang minuto akong nag-ipon ng lakas ng loob at muli kong binuksan ang libro. Sa dalawang oras kong pagbabasa, ilang mga kahindik-hindik pang pangyayari ang naganap sa istorya... hanggang sa tuluyan ko na ngang matapos ang libro. WHAT AN ENDING! Hindi ko inaasahan. Ang ganda... ang galing! Iba ka talaga Bob Ong! Hindi ako agad nakatulog. Maliwanag na ata nung dalawin ako ng antok. Hanggang ngayon may hangover pa din ako... maski natapos ko na siyang basahin hindi mawala sa isipan ko yung kwento. At etong nakakatawa... siguro mapapansin niyo ito agad pagkabiling-pagkabili niyo nung libro, pero ako hindi sa kasamaang-palad... napansin ko lang pagkatapos na pagkatapos kong basahin yung huling pahina... e di siyempre fresh pa yung takot di ba? PEKSMAN, naihi ako sa panty ko pagkakita ko sa book cover sa likod... may ano... may nakasilip! HAHAHA!
************************************************
Sa totoo lang, sana maisapelikula ito. Mala-indie film. Tulad nung libro ni Eros S. Atalia na Ligo Na U, Lapit Na Me. Sana may mga tao ding maglakas-loob na dalhin ito sa pinilakang tabing. At ang gaganap na bida... si DANIEL PADILLA!!!

Kayo: Teka, bakit naman sa dinami-daming artista e si Daniel Padilla pa?
Ako: Wala lang. Gusto ko lang. Ang cute cute kasi niya eeeeeeehhhhhh.....

O, baka naman ayaw niyo na basahin yung libro dahil sa kakaibang karanasan ko kagabi... Hindi naman siguro dahil sa libro yun. Baka talaga lang may nagparamdam sakin sa mga oras na 'yon at nagkataon lang na binabasa ko yung libro nung nangyari 'yon. At pwede nga ring baka nasobrahan lang yung imahinasyon ko tulad ng nabanggit ko kanina kaya may naramdaman akong ganun. Maaaring sobra lang akong nadala sa istorya at feeling ko ako yung bida. HEHEHE...

Kaya huwag kayong matakot bumili at basahin yung libro. Malay niyo, yung nabanggit kong mga kasama ko kagabi pero hindi ko naman nakikita e mga kaibigan lang pala ni Mama Susan... dinadalaw ako... malay niyo... napili nila ako... at malay niyo... mapili din nila kayo... 

Monday, 27 August 2012

"Cards"

Eto ang pamagat ng episode ng Maalaala Mo Kaya noong nakaraang Sabado (ika-25 ng Agosto). Napanood niyo din ba ito? Matagal-tagal na din nung ako'y huling napaiyak ng isang programa sa telebisyon. Humanda kayo para sa isang mahabang blog entry!

Ang episode na ito ang salarin sa muli kong pag-iyak sa harap ng TV. Ang dami kong luha. Nakakainis. Basang basa ang suot kong damit kakapunas ng malagkit na likido sa aking mukha mula sa naghalu-halong pawis, luha at uhog (pasintabi lang po). Maski kinabukasan na, maga at mahapdi pa din ang aking mga mata. Isang masigabong palakpakan para sa mga nagsipag-ganap dahil sa epektibo nilang pag-arte. Yehey, napaiyak niyo ako mga walang-hiya kayo! LOL! At wag nating kalimutang bigyang papugay ang mga tao sa likod ng kamera na sina Akeem Jordan del Rosario (mananaliksik), Joan Habana (manunulat), at Dado Lumibao (direktor).
++++++++++++++++++++++++++++++++++++
Sa mga hindi nakapanood, ikukuwento ko na lang dito ang kabuuan ng istorya:

Isang ina ang sumulat sa MMK tungkol sa kanyang pamilya at ang bunso nilang si "Apple", ang bida sa kuwentong ito... isang batang ang tanging hangad lamang ay pagmamahal at atensyon ng kanyang pamilya. Mahirap lamang sila. Si Apple ay may apat na nakatatandang kapatid na pawang mga nasa hayskul at kolehiyo na lahat ay itinataguyod ng kanilang inang tindera at amang driver. Malaki ang kanilang pamilya kaya bawat sentimo na kinikita ng mag-asawa ay napakahalaga. Subsob sila madalas sa pagtratrabaho kaya pawang wala na silang oras na maitutuon sa kanilang mga anak, lalong lalo na kay Apple.

Sa pagsisimula ng istorya, si Apple (na ginanapan ni Brenna Garcia) ayon sa kaniyang inang si Jossie (na ginanapan ni Assunta de Rossi), ay isang makulit, palahingi ng pera, gastador at batang matigas ang ulo... mga karaniwang katangian ng mga batang nasa ganoong edad at hindi pa alam ang halaga ng pera.

Madalas maaga siyang bumabangon at taga-gising ng buo niyang pamilya na kina-iirita ng kanyang mga kapatid sabay hihingian ang kanyang ina ng piso bago ito mag-igib. Maya-maya pa'y nasa labas na ito upang bumati ng:

"Magandang umaga po" 

sa kanilang mga kapitbahay sabay tutulong sa kanilang mga gawain. Ang mga hindi kinakaligtaan ni Apple batiin ay dalawang napakasungit at napaka-pessimistic na matatandang kabitbahay: isang ale na laging bukambibig ay mamamatay na siya kinabukasan (marahil ay upang ipagtabuyan lamang ang makulit na bata)... at isang lalaking bulag na sinasagot ang bati ni Apple ng:

"Anong maganda sa umaga? E wala naman akong makita?"

na sasagutin naman ng bata ng:

"Maganda, maaraw. Medyo makulimlim pero hindi po uulan. O di ba, maganda?"

sabay iaabot ang piso (na hiningi nya sa kanyang ina) sa kamay ng mamang bulag mapangiti lamang ito.

Bago pumasok sa eskwela, uutang si Apple ng ilang tinapay at biskwit na paninda ng kanyang ina. Lingid sa kaalaman ni Jossie, ibinibigay ng anak sa mga kaklaseng walang baon ang mga ito. Pagkatapos ng klase, minsan sinasamahan niya ang kanyang ina sa palengke upang mamili ng mga paninda ngunit imbis na makatulong, mas mapapagastos pa ang ina dahil sa mga ipinabibili ni Apple na kung anu-ano tulad ng mga ipit sa buhok (na ang ilan ay ibinibigay nya sa kaklaseng walang kaibigan) o di kaya'y mga manyika (na agad ibinabalik ng ina sa tindahan dahil may kamahalan). Nakatutuwang isipin na ang batang ito na napakamapagbigay at maaalalahanin sa kapwa ay hindi man lamang maisip na bigyan ang sarili maski isang pirasong lapis.

Ang mga tanging kaligayahan lamang ni Apple ay makitang nakasindi ang Christmas lights sa kanilang tirahan na hindi niya madalas makita dahil sa pagtitipid ng pamilya sa kuryente tuwing sasapit ang Pasko; ang magsama-sama silang magsimba ng pamilya bago mag Noche Buena na hindi mapagbigyan ng kanyang ama (na ginanapan ni Dominic Ochoa) na pagod sa pagbibiyahe sa bisperas ng Pasko; ang makapanood ng gusto niyang programa sa telebisyon na hindi mapagbigyan ng kanyang kuya na iba ang gustong panoorin; ang intindihin at asikasuhin siya kahit paminsan-minsan lang ng kanyang mga nakatatandang kapatid (tulad na lang ng simpleng pag-abot sa kanya ng isang baso ng juice); ang mapansin at pahalagahan ng kanyang pamilya ang mga ginagawa niyang palamuti sa kanilang tirahan (gaya ng paso at bulaklak na gawa sa straw, plastic cups at popsicle sticks); ang pasayahin ang mga magulang, mga kapatid at mga kaibigan sa pamamagitan ng paggawa niya ng mga cards para sa kanila. Hindi naglaon, tulad ng kanyang kuyang sakristan, naging aktibo si Apple sa simbahan bilang isang miyembro ng choir na siya din mismo ang tumulong magsimula sa pamamagitan ng pangungumbinsi sa ilang mga kabataan. Nakakalungkot man isipin pero maski ang kanyang ina ay hindi man lang siya mapanood kumanta sa simbahan dahil sa sobrang abala nito sa pagtitinda.

Lumipas pa ang panahon, mas maraming dagok ang dinanas ng kanilang pamilya. Nadagdagan ang gastos dahil sa biglaang pag-aasawa ng panganay na anak (na ginanapan ni John Manalo)  na siya sanang inaasahan ng mga magulang na tutulong sa mga kapatid upang makapagtapos. Dahil sa kagipitan, dumating sa puntong napapadalas ang pag-ulam nila ng tuyo na hindi ikinatuwa ng kanyang mga kapatid, ngunit dahil sa may likas na positibong pananaw sa buhay, hindi dito apektado si Apple (ini-enjoy niya ang pag-ulam ng tuyo sa kaning sinabawan niya ng kape). Ikinagugulat pa nga minsan ng kanyang magulang at ibang kapatid dahil nagagawa pa niyang makapag-abot ng pera para maipambili ng pang-gatas ng anak ng kuya niya. Napaghinalaan tuloy siya ng kanyang ina na nagsusugal sa mura niyang edad kaya napagalitan siya nito. Hindi na kinaya ni Jossie ang hirap kaya nagpasya itong mawalay sa pamilya ng ilang buwan upang magtrabaho sa ibang lugar para matustusan ang gastusin ng mga anak at para makapag-ipon na din. Ang kawawang si Apple, kulang na nga sa atensyon mula sa pamilya, siya pang madalas mapagbuntunan ng galit ng kanyang inang pagod na pagod sa paghahanap-buhay. Hindi nila napapahalagahan ang mga mumunting paglalambing. Puro kakulitan lang niya ang napapansin nila.

At dito na bumagsak ang first batch ng aking mga luha (na nasundan pa ng napakarami), sa eksenang naglabas na ng sama ng loob si Apple sa kanyang ina kung saan sinabi nito ang mga katagang:  

"Ginagawa ko lahat para mapasaya kayo, mapangiti kayo pero lahat ng 'yon 'di niyo nakikita. Bakit po ba hindi niyo ako mahal, mama? Kahit minsan lang hindi niyo ako matanong kung kamusta ako."

Boom! Sumakit ang lalamunan ko, nahirapan akong lumunok. Sa pagpipigil kong umiyak, di ko napigilan ang pagsakit ng aking dibdib, panginginig ng aking mga labi at panlalaki ng mga butas ng aking ilong. Sa mismong puntong iyon ko lamang napansin na ang anak ko pala ay nakatitig na sa akin. Maluha-luha ang kanyang mga mata... mga matang tila nagsasabing,

"Ganyan din ang nararamdaman ko, Mom."
++++++++++++++++++++++++++++++++++++
Sa pagkakataong iyon ko lamang biglang naisip... ang anak kong si Ashlee ang "Apple" ng buhay ko. Mabuti sana kung siya ang apple of my eye. Dapat nga ganoon dahil nag-iisa lang naman siya. Mas dapat na napagtutuunan ko siya ng pansin. Pero gaya ni Jossie, abala ako sa pag-iisip kung saan kukunin ang perang pambabayad sa dami ng gastusin sa bahay, sa eskwela niya... dagdagan pa ng problemang dulot ng tunay niyang ama. Ilang oras ko lang siyang nakakapiling. Sa customer service department ng isang international software company ako nagtratrabaho kaya pang-gabi ako. Pagdating ko sa bahay ay magtatanghali na at siya naman ay papasok na sa eskwela. Kung hindi lamang ako pagod, nais ko sanang ako ang magpakain, magpaligo, maghanda ng kanyang baon at maghatid sa kanya sa eskwela. Ngunit papaano pa? Bagsak na ang aking katawan at hirap ng humiwalay sa kama. Umaasa lamang ako sa yaya. Ang oras ng kanyang pag-uwi mula sa eskwela ay sakop pa rin ng oras ng pagtulog ko. Gabi na ang gising ko at maghahanda na akong muli para sa pagpasok sa opisina. Wala na naman akong oras para sa kanya. Kawawa naman ang anak ko. Minsan may mga pagkakataong lalapit siya sa akin para magpatulong sa kanyang homework pero ako pa ang galit at mapagsasabihan ko pa siya ng:

"Bakit hindi mo 'yan naiintindihan? Hindi ka ba nakikinig sa titser mo? Ang mahal mahal ng tuition mo tapos hindi ka natututo? Pagod na pagod ako mag-work para may pambayad sa skul mo. 'Wag ka na kayang pumasok?"

Bago niyo ako husgahan na masama akong ina, ika-klaro ko lang na ang mga katagang yan ay  hindi ko naman madalas mabigkas sa kanya... sa mga pagkakataon lamang na masakit ang ulo ko sa pamomoroblema kung saan ako kukuha ng pangkumpleto sa tuition fee, ng pambili ng kapalit ng paubos na niyang vitamins, at pang-grocery ng mga baon niya dahil pumalya ang ama niya sa padala. Hindi ako defensive. Alam kong marami akong pagkukulang bilang isang ina.  Kawawa naman ang anak ko.
++++++++++++++++++++++++++++++++++
Balik tayo sa eksena sa MMK. Sa puntong iyon ko lang din napagtanto na hindi lang pala ako ang basang-basa ang mukha sa mga oras na iyon. Pati ang boypren kong si Bryan, na nakapuwesto sa likod namin ni Ashlee habang nanonood, ay sirang-sira ang pagkalalaki sa mga sandaling iyon. Hahaha! (Mahal ko, sorry, ibinuko kita dito hehehe!) 

Sa mga sumunod na eksena, natuklasan ni Jossie ang listahan ng mga utang ni Apple sa kanya sa isang kwaderno na sulat-kamay mismo ng kanyang anak. Biglang dumating si Apple at sa unang pagkakataon sa buong episode na ito, nakita ng mga manonood na nakinig si Jossie sa anak. Humingi ng tawad ang ina sa bunso niya dahil sa madalas na pagbubunton niya ng galit dito ng hindi naman sinasadya. Si Apple naman ay ipinahayag sa kanyang ina ang mga pangarap niya para sa kanilang pamilya... ang maging isang guro at maiahon sila sa kahirapan. Nagtapos ang eksenang iyon sa pagpapaalam ni Apple sa kanyang ina para pumunta sa simbahan dahil kakanta umano ang kanilang choir sa isang kasalan. Lubos ang galak ng bata nang mangako si Jossie na susunod siya sa simbahan para mapanood kumanta ang anak sa unang pagkakataon.

Hindi kami handa sa mga susunod na mga pangyayari...

Kasama ang ilang miyembro ng choir, si Apple ay nag-eensayo ng pag-awit ng Tanging Yaman, sa tabi ng lansangan. Maya-maya pa, isang aksidente ang nangyari... dahil sa pagsagip niya sa mga kaibigang choir members, siya ang nabundol ng isang rumaragasang traysikel. Badtrip. Isang traysikel lang ang kumitil sa buhay ng isang anghel. Hindi kami naiyak sa eksenang iyon. Nakakainis kasi. Pero ang sumunod na eksena ang halos pumatay samin ni Bryan... ang pag-iyak paghagulgol ni Jossie nang makita ang anak sa morgue. Durog ang puso namin. Natural na natural ang pag-iyak ni Assunta sa eksenang ito. Wagas! Nganga kami... nganga sa pag-iyak kasabay ni Jossie.

Ang sumunod na eksena ay ang pagbili ni Jossie at ng isa niyang anak na babae ng bistida na susuotin ni Apple sa loob ng kanyang kabaong. Napili ng kanyang anak na bilhin ang isang mas murang bistida pero hindi sumang-ayon ang ina at pinili ang isang mamahaling bistida para kay Apple. Paalis na sila ng palengke nang mapansin ang manyikang pinabibili ng bunso niya na hindi niya nabili noon dahil sa may kamahalan. Naiyak na lamang siya habang hawak-hawak ang laruan. Hindi pa din kami tumitigil sa pag-iyak.

Ang eksenang sumunod ay ang burol ng bata kung saan nakiramay ang mga kaibigan at kapitbahay kabilang na ang pari sa kanilang lugar at naibahagi niya na si Apple daw, bukod sa pagkanta sa choir, ay napakasipag tumulong sa simbahan. Dahil dito binibigyan nya diumano ang bata ng pera na iniipon naman nito. Doon naipaliwanag kung bakit paminsan-minsang may nai-aabot si Apple na pambili ng gatas ng kanyang pamangkin. Nandoon din ang matandang ale na iritang irita noon sa bata sa pagbati nito sa kanya tuwing umaga. Aniya, mali nga daw siya... buhay pa siya at naunahan pa ni Apple mamatay. Dumating din ang mga ka-eskwela ni Apple na binibigyan niya ng tinapay at biskwit na inutang niya sa kanyang ina, at ang ka-eskwelang walang kaibigan ngunit pinapasaya ni Apple sa pamamagitan ng pagbibigay niya ng mga ipit sa buhok na pinabibili niya sa kanyang ina sa tuwing sila ay magpupunta sa palengke. At ang pinaka-nagpasabog sa aming dibdib... ang pakikiramay ng mamang bulag na binibigyan ni Apple ng piso tuwing umaga. Lahat pala ng pisong iyon ay iniipon ng matanda upang balang araw ay ibalik sa bata bilang pasasalamat sa pagpapangiti nito sa kanya tuwing umaga. Bitbit niya ang lahat ng mga baryang iyon sa lamay ni Apple.

Huli na ang lahat para sa pamilya ni Jossie. Wala na ang kanilang bunso. At hindi man lamang nila napadama sa kanya kung gaano nila siya kamahal. Lahat sila ay may pagsisisi. Si Jossie nagsisisi na hindi man lang niya nakilala ng lubusan ang anak. Ang akala niya nung una na gastador ang anak ay mali pala. Marami pala itong naipon na pera para sa kanyang pamilya. Ang ama nanghihinayang sa mga panahong itinulog niya pag-uwi galing sa trabaho ay sana inilaan na lamang niya sa nangungulilang anak. Ang mga nakatatandang kapatid na sana ay nasamahan siya sa simbahan, napagsilbihan, hinayaang manood ng paborito niyang programa sa telebisyon... lahat iyon pinagsisisihan nila. Nasa huli talaga ang pagsisisi. Pero kahit na anong gawin nilang pagsisisi sa mga oras na iyon, hindi na nila maibabalik pa si Apple.

Hanggang sa puntod ni Apple, bumubuhos ang pakikiramay ng kanyang mga kaibigan at kaklase. Nakilala kasi siyang mahilig mamudmod ng mga cards para sa kanila upang sila ay sumaya. Hanggang ngayon ang puntod ni Apple ay laging puno ng cards, mga sulat, at drawings mula sa mga kaibigan na hindi nakakalimot sa kanyang kabutihan.

R.I.P. Sharmaine "Apple" Yamson.
 +++++++++++++++++++++++++++++++++
Kung si Apple ay mahilig gumawa ng cards para sa mga kaibigan at pamilya, si Ashlee naman ay mahilig kaming bigyan ng kanyang mga drawings. Tulad ni Jossie noon, napagsabihan ko ang aking anak na tigilan niya ang pag-aaksaya ng papel. Pero dahil sa istoryang ito, simula ngayon ay lagi kong pasasalamatan si Ashlee sa tuwing bibigyan niya ako ng pirasong papel na may drawing niya. Sa darating na Disyembre, magdiriwang ng ika-pitong kaarawan ang aking pinakamamahal na unica hija. Hangad kong makabawi sa kanya sa aking mga pagkukulang. Pinagpaplanuhan kong maigi ang kanyang party na dadaluhan ng lahat ng kanyang mga kaklase.  ^_^

Thursday, 9 August 2012

Stainless Longganisa

Hehe. Hind ito klase ng longganisa. Libro ito ni Bob Ong... panglima niya. Sa wakas, pagkatapos ng isang taon, natapos ko na din itong basahin kagabi. Hehe, alam ko ang iniisip niyo: "Isang taon? Ang tagal naman ata non?"

Hindi sa bobo akong magbasa kaya kagabi ko lang ito natapos. Nung nahiram ko kasi yong libro kay Bryan nung isang taon at iilang pahina pa lang ang nababasa, bigla itong nawala sa bahay namin. Nahilo nako sa kakahanap hanggang sa sumuko nako. Napagisip-isip ko, lalabas din yun pag hindi ko na hinahanap tulad ng ibang gamit ko. Hindi niyo na maitatanong, burara kasi ako. At ganun na nga ang ginawa ko. Hindi ko na siya hinanap hanggang sa tuluyan ko na itong makalimutan.

Ngunit eto lang nakaraang buwan, isang umaga pag-uwi galing sa trabaho, ang librong matagal ng nakalimutan eh nakita ko na lang bigla sa kwarto na nakabuyangyang. Saan yun nanggaling, e halos binaliktad ko na yung bahay namin dati sa kakahanap pero di ko naman siya nakita? Ay, ewan. Hindi ko na lang din inalam. Basta, tuwang tuwa ako at sa wakas, meron akong bagong mapagkakaabalahan.

Pero inabot pa din ako ng halos isang buwan bago ito matapos basahin. Wala din kasi ako masyadong oras na mailalaan sa pagbabasa. Sa totoo lang, gustong-gusto ko talaga magbasa ng libro. Yun nga lang, simula ng ako ay magtrabaho, nawalan na talaga ako ng oras para sa paborito kong libangan. Nakakapagbasa lang ako pag-uwi ko sa bahay galing trabaho bago matulog. At dahil pagod na din, konting pahina na lamang ang aking nababasa kada araw. Kaya labis na lamang ang aking kasiyahan kagabi ng matapos ko na ang babasahin. Kasiyahang may halong lungkot. Ilang linggo ko din kasing kasa-kasama ang librong ito. Lasog-lasog na nga siya at humiwalay na ang book cover nito dahil nakakatulugan ko na ang pagbabasa kaya may mga pagkakataong nahihigaan ko siya hanggang sa naging ganun na ang itsura niya.

Sabi ko nga, pang-limang libro na ito ni Bob Ong. Pero ito ang unang libro niya na nabasa ko. Sa tingin ko sakto lang na una ko itong nabasa. Sa libro kasing ito parang na-summarize yung unang apat niyang libro. Kumbaga, naikuwento niya dito kung ano ang istorya sa likod ng bawat librong una na niyang naisulat. O di ba ang daya ko. Hindi ko pa nababasa yung mga nauna pero parang alam na alam ko na kung ano ang mga nakapaloob sa kanila. Pero hindi ibig sabihin nito ay hindi ko na babasahin ang mga iyon. Dito din nailathala niya kung paano siya napunta sa larangan ng pagsusulat. Na-inspire ako. Lalo kong gusto magbasa. Lalo kong gusto magsulat. Lalo kong gusto abutin ang aking mga pangarap. Sa  pagbabasa ko nito, napapatawa ako ng malakas ng hindi ko namamalayan minsan. Ang kulet kasi ni Bob Ong magsulat. Habang binabasa ko yong libro, parang nakikinig lang ako sa isang kabarkadang makuwento. Simple lang kasi ang pagkakasulat at napaka-conversational ng dating. May mga bumabatikos ng kanyang mga libro. Sabi nila hindi daw siya marunong ng tamang Filipino grammar. E ano naman ngayon? Ang importante hindi hirap ang mga mambabasa sa pag-intindi ng mga kuwento niya. Hindi mahirap basahin. Pati ang mga hindi mahilig magbasa, tiyak ma-eengganyo din.

Matagal na ng mai-publish yung una niyang libro. Nasa hayskul pa ako nun. Pero nakilala ko lamang ang pangalang Bob Ong noong ako'y nagtatrabaho na mga tatlong taon na ang nakakaraan dahil patok na patok ang mga quotes niya sa Facebook. "Sino ba tong Bob Ong na 'to?", ang tanong namin ng mga katrabaho ko sa isa't-isa. Noong mga panahong iyon, wala akong ideya na may mga libro na pala siyang naisulat. At sa pagbabasa ko lang din ng Stainless Longganisa ko nalaman na nag-umpisa sa isang website ang lahat. Sayang lang at matagal ng nawala yon, hind ko na naabutan.

Ang Stainless Longganisa ay luma na din kung tutuusin. Taong 2005 pa ng mai-publish ito at nasundan na din ito ni Bob Ong ng ilan pang mga libro. At ngayong naging official fan na niya ako, susubukan kong kumpletuhin ang lahat ng mga libro niya. Mura lang daw ang mga ito. Kaya patok din sa mga estudyante dahil kayang kaya nilang bumili mula sa mga baon nila. Sana lang may mabilhan pa ako nung unang apat niyang libro. Matagal-tagal na kasi nung lumabas yung mga iyon baka mahirapan nakong makahanap. Pero dahil tinagurian din namang best-sellers ang mga ito, posible din namang hindi sila mawawala sa mga bookstore.

Sinubukan ko din alamin kung sino ba talaga si Bob Ong. Nabigo ako. Ayaw pala niya talagang magpakilala at tanging online interviews lamang ang pinauunlakan. Hindi siya nagbu-book signing. Maski ang programang Brigada ng GMA ay hindi rin nagtagumpay sa hangarin nilang TV interview sa kanya. Sumakit lang ang ulo ko kaka-halukay sa YouTube dahil sa pagbabakasakaling may video o litrato man lamang siya doon. Pero wala. Wala talaga. Siguro kailanman ay hindi ko malalaman kung ano talaga ang pangalan niya at kanyang itsura. Pero mahalaga pa ba iyon? Kelangan ba talagang may mukha ang inspirasyon? Napagtanto ko lang, pagkatapos ko mapagod at sumuko sa kakahanap sa internet kay Bob Ong, na hindi na din niya kelangan pa magpakita ng mukha. Para saken, parang hangin lang yan e na nagpapalipad ng saranggola di ba? :)

Monday, 16 July 2012

Ningas kugon

Sa programang It's Showtime ng ABS-CBN, merong segment na kung tawagin ay 'Bida Kapamilya'. Sa segment na ito, dalawang pamilya na may limang miyembro pataas ang magtutunggali sa tatlong rounds. Ang unang round ay ang 'Rampa Kapamilya' kung saan magpapagandahan ang mga pamilya sa pagpapakilala ng bawat miyembrong kalahok at sasagot ang ilan sa kanila ng mga tanong mula sa mga hurado. Ang ikalawang round ay ang 'Liga Kapamilya' na isang basketball hoop shoot out. At ang pinakahuling round ay tinatawag na "Hataw Kapamilya' kung saan magpapakitang gilas ng talento ang bawat pamilya. Pagsasama-samahin ang puntos na nakuha sa tatlong rounds, at ang pamilyang may mas mataas na nakuhang puntos ang panalo sa araw na iyon.

Bakit ko pinapaliwanag ang segment na ito ng nasabing show? Wala lang. Hindi ko pino-promote ang programang ito. Sa totoo lang, isa akong 'dabarkads' at hindi ako miyembro ng 'madlang pipol'. Sa hindi maka-gets, ibig kong sabihin ay maka- 'Eat Bulaga' ako. Hindi ko na ipapaliwanag kung bakit. At lalong hindi ako makikipagtalo sa mga 'Kapamilya' tungkol sa isyung ito. Pinanonood ko din naman ang It's Showtime subalit bihira nga lang.

So anong point ng blog entry kong ito? Okey, eto na:

Kahapon sa hindi ko alam na rason ay mas pinili kong manood ng It's Showtime. Matagal-tagal na din nung huli akong makapanood nito. Sa unang round ng nasabing segment, tinanong ng isa sa mga hurado ang isang binatilyong high school student na miyembro ng isang pamilya kung ano ang ibig sabihin ng 'ningas kugon'. Halatadong walang ideya ang naturang binatilyo base sa kaniyang katawa-tawang ibinigay na kasagutan. At dahil doon, hindi naitago ng ilang hosts at mga hurado lalong lalo na ni Vice Ganda ang pagkadismaya at pagka-alarma. Salamat na lang kay Kuya Kim at magandang naipaliwanag ang tamang kahulugan nito.

Maski ako, nagtaka kung bakit hindi ito nasagot ng maayos ng estudyante. Kung tama ang aking pagkaka-alala, nasa ika-apat na baitang ng elementarya ako ng ito ay matutunan sa eskwela. Sa dalawang subject ito naituro, sa Filipino at sa Sibika. Sa Filipino, bilang isang idyoma at sa Sibika bilang isang kaugalian ng mga Pilipino. Siguro nakaidlip siya sa klase nung itinuro ito ng kanyang guro sa Filipino. Pero tulog pa din ba siya nung itinuturo ito ng kanyang guro sa Sibika??? Hehe.

O sige, para sa mga hindi napakinggan ang explanation ni Kuya Kim sa naturang programa at sa mga umabsent o nakatulog sa klase noong araw na itinuro ito sa inyong mga eskwela... Ipapaliwanag ko dito kung ano ang ibig sabihin ng idyomang 'ningas kugon'.


Ang kugon ay isang uri ng damo na kapag tuyo ay madaling magdingas at masunog ngunit madali ring mamatay ang apoy nito. Ang sabi nga nila, ganito daw ang mga Pilipino na sa simula lang magaling pagdating sa gawain. Habang nagdaraan ang mga araw o kung nagkaroon na ng problema at nahirapan na, nawawalan na ng gana at hindi na magsisipag sa pagtapos ng gawain. Isang hindi magandang ugali.

Guilty ako. Taglay ko ito. At hindi ko ito ipinagmamalaki. Napakarami kong mga magagandang plano sa buhay na naumpisahan at hindi naman natapos. Hindi ko na iisa-isahin ang mga ito dito. Kapag ginawa ko yun aabot ang blog entry na ito sa bundok ng tralala. Magbibigay na lang ako ng isang halimbawa: itong pagba-blog. Bago ko maumpisahan ang blog na ito, tatlo na ang naging blog ko mula pa noong ako'y nasa kolehiyo. Hindi ko na naituloy ang mga iyon. Sa kasalukuyan, bukod sa blog na ito, may isa pa akong naumpisahang blog na nasa wikang Ingles. Hindi ko alam kung hanggang kailan ko mapapanatili ang mga ito. Ang takbo ng aking buhay ngayon ay hindi naman masyadong busy kaya malamang ay magtatagal naman ang buhay ng mga blog na ito. Sana lang.

Kasabay ng dalawang mga bagong blog ko, may mga bagong magagandang plano na naman akong naumpisahan para dito sa panibagong yugto ng aking buhay. Hindi ko na din iisa-isahin ang mga ito dito. Baka maudlot lang. Hindi na lang ako magsasalita. Gagawin ko na lang.

Ayoko ng maging kugon. Ayoko ng maging damo. Hehe.

Thursday, 12 July 2012

Paalam, Dolphy

Nung Martes (July 10), pumanaw na ang nag-iisang hari ng komedya ng Pilipinas... si Dolphy.

Nalungkot ang sambayanan sa kanyang pagpanaw. Marami siyang anak at hindi ako isa doon ngunit ewan ko ba kung bakit pero apektadong-apektado ako (hindi ko lang pinapahalata). Marahil ay dahil lumaki akong pinanonood and Home Along Da Riles. Marahil ay dahil nasanay na ako na lagi syang nakikita sa telebisyon (maski nung wala na siyang shows at hindi na aktibo sa showbiz ay patuloy pa din ang pagpapalabas ng kanyang mga nagawang pelikula sa telebisyon). Dalawang araw makaraan ang kanyang pagpanaw, ngayon ko lang napagtanto na wala na talaga siya. :(

Mataas ang respeto ko at ng maraming Pilipino sa kanya dahil maski ilang beses siyang nagkaroon ng pagkakataon upang sumabak sa politika dahil sa kanyang popularidad sa masa ay hindi niya ito ginawa at mas pinili nyang gawin ang bagay kung saan siya pinakamagaling: ang pagpapatawa. Tama siya. Hindi lamang sa pagiging politiko makakatulong sa mga kakabayan natin. Nakapagpasaya siya hindi lamang sa pag-arte niya sa mga pelikula kundi sa pagiging matulungin at mapagbigay nya sa kapwa.

Naisip ko lang.. siguro mas masaya na ngayon sa langit dahil andun na siya. Dito nga sa lupa na punong-puno ng problema e nakapagpasaya siya, doon pa kaya na wala namang kaproble-problema? Naisip ko lang.. parang siya na lang talaga yung inaantay ng mga nauna ng pumanaw na mga sikat na komedyante naten at magkakaroon sila ng partey-partey doon. Nauna na kasi sina Rene Requiestas noong 1993, Panchito noong 1995, Chiquito noong 1997, Babalu noong 1998, Reycard Duet noong 1997 at 2003, Palito noong 2010. Naisip ko lang.. paano kung buhay pa silang lahat ngayon at pinagsama-sama sa iisang palabas o pelikula? Di ba ang saya-saya non?


At para sa hari ng komedya, ang masasabi ko lang... mami-miss ka po namin Mang Pidol. Alam namin na ayaw mong malulungkot kami sa iyong pag-alis... pero hindi maiiwasan iyon dahil isa kang mabuti at kahanga-hangang tao. Maraming salamat po sa inyo.

Tuesday, 10 July 2012

Balat at Libag

Habang nanonood ng ONE TRUE LOVE sa bus papasok sa trabaho...

Douglas (Benjie Paras) kay Tisoy (Alden Richards):
"May mga bagay talaga na hindi pwedeng pagsamahin. Tulad ng tubig at langis.... Kayo ni Elize, hindi pwedeng magsama.."

AKO: Ganun? E bakit tayo naman, napagsama?
BRY: Kasi tayo.. balat ka, ako libag. Kahit anong ligo mo, anjan at anjan lang ako.

Toinks! >.< Ang dami kong tawa.. :))

Monday, 9 July 2012

Ulan

Maulan na naman. Gusto ko ang ulan. Lalo na kung ako ay nasa bahay lamang. Dyahe kasi pag may lakad. Aberya. Kumukupad lahat sa pag-usad sa mga lansangan. At minsan pa, kapag napalakas o napatagal ang pagbuhos, bumabaha.

Masarap humilata kapag umuulan. Hindi ko maintindihan ngunit hatid nito ay katamaran sa aking katawan. Oo, alam kong likas akong tamad na nilalang pero ibang klase talagang katamaran ang dulot sa akin ng ulan.

Gusto ko ang tunog ng ulan. Masarap ito sa aking pandinig. Mas malakas, mas magandang pakinggan. Sa aking tenga, ang buhos ng ulan ay tila isang masigabong palakpakan.

Gusto ko din ang amoy ng ulan. Yung kakaibang simoy ng singaw ng lupa kapag nabasa na ng tubig ulan. Yung tinatawag nilang amoy 'alimuong'. Maraming may ayaw. Pero gustong-gusto ko ito. Sabi ng ilan, masama daw na nalalanghap ito. Dulot daw nito ay pagkakasakit. Sipon. Ubo. Sakit ng ulo. Trangkaso. Etcetera. Sabi naman ng iba, maganda daw ang epekto nito sa katawan at nakagagamot ng iba't ibang klase ng karamdaman. Eh, ano ba talaga? Ay, ewan. Nakasasama man o hindi, ito'y hindi ko pagsasawaan.

Madalas nagkalat ang mga batang naliligo sa ulan. Pero bakit ganon? Kapag hindi ka na bata at nakita kang naliligo sa ulan, hindi na magandang tignan. Pag-iisipan ka na may sayad, o di kaya ay naputulan ng tubig sa inyong kabahayan kaya sinamantala ang buhos ng ulan. Ay, ewan. Pero kung ako ang tatanungin, gusto ko uli itong maranasan.

Meron akong ala-ala noong aking kabataan. Kasama ko ang aking mga kababata at maingay kaming nagtatampisaw, naliligo, naglalaro sa ulan. Kailan nga ba ako huling naligo sa ulan? Hindi ko na matandaan. >.<